1

By

Rookie Nicole Ebuen sumalok sa Lady Chiefs

Sharing is caring!

Pinamunuan ni rookie Nicole Ebuen ang defending champion Arellano University upang tuhugin ang dati nitong koponan na Letran, 25-17, 25-17, 25-12, kaninang umaga sa 93rd NCAA women’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Center, San Juan City.

Naglaro sa Letran Team B bago naging Lady Chiefs, tumikada si Ebuen ng game-high 11 points at walong digs upang ilagay ang Arellano U sa solo top spot kapit ang 3-0 card.

“Siguro lumabas pa rin ‘yung pinag-ensayuhan namin, talagang seryoso sila sa pinag-usapan namin na kailangan naming i-defend ang title,” saad ni Arellano U coach Obet Javier.

Nagtala rin ng 11 puntos si Regine Arocha habang bumakas sina Mary Ann Esguerra at Jovielyn Prado ng pinagsamang 15 markers para sa Lady Chiefs.

Nakapaglaro na rin sa kauna-unahang pagkakataon ngayong season si reigning Best Setter Rhea Ramirez sa Arellano U.

Sinalang si Ramirez sa second at third upang humalili kay Sarah Verutiao na kumana ng 21 excellent sets.

Muling nadapa ang Lady Knights kaya nalasap ang pangalawang talo sa tatlong laro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?