151

Sep 15, 2021 @ 14:10
By

Ronnie Puno, gagawing bunga ang Lacson-Sotto tandem

Nakakuha ng asset ang tambalan ni Senador Panfilo Lacson at Vicente “Tito” Sotto III para sa kanilang kampanya sa 2022, sa katauhan ng beteranong political strategist at dating Interior Secretary Ronnie Puno, ayon sa report ng Politiko website.

Sabi sa ulat, si Puno, ang chairman ng National Unity party (NUP) ay magiging campaign manager ng Lacson-Sotto tandem.

Pormal na pumasok si Puno sa grupo matapos ang pulong kina Lacson at Sotto sa isang hotel noong Martes. Kasama din niya ang ilang miyembro ng NUP.

Nangyari ang pakikipag-alyansa ni Puno kina Lacson at Sotto ilang araw matapos ihayag ni Davao City Mayor Sara Duterte na hindi na siya tatakbo sa pagka-pangulo dahil ang kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte ay tatakbo bilang bise presidente sa 2022.

Ang NUP, na konektado sa bilyonaryong si Enrique Razon, ay unang nagdeklara ng kanilang intensyon na i-renew ang alyansa sa partido ni Sara, ang Hugpong ng Pagbabago para sa susunod na halalan.

Inaabangan pa rin kung ano ang magiging susunod na hakbang ng partido sakaling totohanin ng alkalde ang kanyang naunang sinabi na hindi na siya tatakbo sa pagka-pangulo.

Noong Agosto, nagbitiw si Manila Mayor Isko Moreno sa NUP at tumalon sa Aksyon Demokratiko, kaya’t nagkaroon ng espekulasyon na tatakbo ito sa national post.

Si Puno ay kilalang political operator, na ayon sa kolumnistang si Mon Tulfo, ay nagpanalo noon sa mga dating pangulo na sina Fidel V. Ramos, Joseph “Erap” Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

Sina Puno at Lacson ay parehong bahagi ng Estrada administration, kung saan si Puno ay naging pinuno ng Department of Interior and Local Government (DILG) habang si Lacson ay naging hepe naman ng the Philippine National Police (PNP).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?