337

Jun 15, 2021 @ 16:24
By

Roni Meneses dyosa ng kalikasan

Babangga si Roni Meneses sa 68 pang kandidata sa pagsali niya sa Miss Philippines Earth.

Bukod sa pagiging beauty queen — nagwagi bilang Miss Mandaluyong 2020 — kilala rin si Roni bilang anak ng dating PBA star at ngayo’y mayor ng Bulakan, Bulacan na si Vergel Meneses.

Ayon kay Roni, kaya siya sumali sa Miss PH Earth ay para ipalaganap ang kanyang adbokasiya na environmental vegetarianism, kung saan hinihimok niya ang karamihan iwasan ang pagkain ng karne.

Nais niya rin na makatulong sa paglutas sa mga problema sa kalikasan tulad ng global warming at climate change.

“Sumali ako sa Miss Philippines Earth dahil gusto kong makiisa sa misyon ng organisasyong ito – na pangalagaan at protektahan ang ating kalikasan,” sey ni Roni. “Alam ko na ang MPE ay isang magandang entablado upang ibahagi ko ang aking adbokasiya sa mamamayan.”

Supportive naman kaya ang kanyang tatay sa pagsabak niya sa Miss Philippines Earth?

“Bilang ama, buong buo ang suportang kaniyang ibinibigay sa aking pagsali sa MPE. Araw-araw inaalam niya kung ano ang aking mga gagawin, at nagtatanong siya kung sa paanong paraan siya makatutulong,” tugon pa ni Roni, na nagtapos ng BS Clothing Technology sa UP Diliman, at may sariling clothing brand na RM Couture at isa pang negosyo na RM Kitchen.

Gaganapin ang Miss Philippines Earth 2021 sa July 25.

 

 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?