475

Nov 17, 2021 @ 19:30
By

Romualdez camp inginuso sa oust Velasco

Isang kaalyado ni Speaker Lord Allan Jay Velasco ang nag-akusa sa kampo ni House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez na nasa likod umano ng pagpapalutang ng tangkang pagpapalit sa liderato ng Kamara de Representantes.

Agad namang pinasinungalingan ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang alegasyon.

Sa isang virtual interview, inamin ni DIWA Rep. Aglipay, chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na nakatanggap ito ng text message kaugnay ng tangka na alisin umano si Velasco.

“Actually ang nakuha ko lang na text during the entire Monday was to unseat the Speaker, which I think galing din sa kanila. Ang concern lang naman nila si Majority Leader para hindi namin galawin papalabasin nila gagalawin nila si Speaker,” sabi Aglipay.

Naniniwala naman si Aglipay na malabo na matanggal ng Lakas-CMD si Velasco dahil 30 lamang ang miyembro nito sa Kamara. Nasa 200 umano ang sumusuporta kay Velasco.

“Tingin ko they are getting ahead of themselves sila nagpa-float ng idea na tatanggalin si Speaker para wala kaming gawin, eh wala naman kaming gagawin on the first place,” dagdag pa ni Aglipay.

Sinabi ni Aglipay na mayroon din siyang nakausap sa Malacañang at sinabi sa kanya na ayaw din nila na magkaroon ng palitan ng liderato sa Kamara.

“Sa tingin ko ngayon naghihintay sila ng mas grabeng move. As of now hindi pa nagwa-warrant na magtanggal as of today,” sabi pa ng solon.

Nang tanungin kung ano ang dahilan at may usapin kaugnay ng pagtanggal kay Romualdez, sinabi ni Aglipay na konektado ito sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinisisi ang Lakas-CMD kung bakit bise presidente lamang ang tatakbuhan ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio.

Si Romualdez ang pangulo ng Lakas-CMD at pinsan siya ni presidential aspirant at dating Senator Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, naglabas naman ng pahayag ang Lakas-CMD upang sagutin ang alegasyon ni Aglipay.

“President Rodrigo Duterte did not make any categorical statement blaming Lakas-CMD for the decision of Mayor Sara to run as Vice President. We would like to refer Rep. Mike Aglipay to the interview of President last Sunday with regard Mayor Sara’s decision. Nowhere in his statement did the President blame Lakas-CMD or any member of the party for the Mayor’s decision,” sabi sa pahayag.

Wala rin umanong batayan ang sinasabi ni Aglipay na ang Lakas-CMD ang nagpapalutang ng plano na palitan si Velasco.

“This is utterly preposterous. Once again, these rumors did not originate from us and we don’t have any intention of changing the leadership in the House of Representatives,” sabi pa sa pahayag.

Muli ring inulit ng Lakas-CMD ang kanilang pagsuporta kay Duterte at sa pagtakbo nito sa pagkasenador. Patuloy umanong magtatrabaho ang partido para maipasa ang mga panukalang batas na kailangan ng Malacañang sa nalalabing panahon ng 18th Congress.

“We should all stop these finger-pointing and destructive politics and concentrate on passing the 2022 budget and other significant measures that will help our country recover from the ill-effects of the COVID-19 pandemic,” apela ng partido.

Inulit din ng Lakas-CMD ang sinabi ni Carpio, ang kanilang vice presidential aspirant na “magkaisa po tayong lahat na mga sumusuporta sa administrasyong Duterte. Iisa lang naman ang ating mga pangarap — ang pagkakaroon ng mas matatag, mas mapayapa, mas maunlad na bansa.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?