78

Feb 22, 2020 @ 10:44
By

Romeo sumama kina JMF, Lassiter sa injury

Nadagdagan pa ang problema ng San Miguel Beer nang matapilok si Terrence Romeo sa Phoenix Super Basketball pocket tournament sa Upper Deck Gym sa Pasig nitong Biyernes.

Out na sa Philippine Cup si June Mar Fajardo (shin fracture), hindi pa rin nakakalaro si Marcio Lassiter (broken nose).

Kahapon ay mukhang si Romeo naman ang inabot ng right ankle injury.

Bago ang halftime ng laro ng Beermen kontra Alaska, tumira si Romeo pero pagbagsak ay natapakan ang stationary bike sa baseline.

Kinailangan siyang buhatin ng mga kakampi para iupo sa bench.

“Pagkatapos ko tumira, natapakan ko ‘yung parang bike na bakal,” anang Commissioner’s Cup Finals MVP. “Ayun, pag-step ko, may tumunog. Sana tapilok lang talaga.”

Hindi pa makumpirma kung gaano kalala ang inabot na injury ni Romeo.

Hahabulin ng San Miguel ang record na six-straight title ng all-Filipino.

Natalo ang Beermen sa Aces 81-79.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?