3,115

By

Romeo sa Ginebra ba ang bagsak?

Sharing is caring!

Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa Ginebra pa rin ba ang bagsak ng mabagsik na scorer na si Terrence Romeo?

Malakas ang ugong ngayon sa mundo ng PBA na sa darating na mga araw ay malilipat muli si Romeo mula TNT KaTropa.

SMC team ang napipisil na paglipatan ni ‘The Bro’, Ginebra na kaya ang posibleng makasungkit sa kanya?

Matatandaan na noong 2013 PBA Draft ay hawak ng Ginebra ang fourth overall pick.

Makalipas makuha sina Greg Slaughter, Ian Sangalang at Raymond Almazan, libre pa ang noo’y FEU star na si Romeo, ngunit biglang napatahimik ang madla nang si dating Arellano guard James Forrester ang kinuha ng crowd darling.

Ilang season ang nakararaan, nawala na si Forrester hindi lang sa Ginebra, kundi pati sa liga, matapos hindi magbunga ang eksperimento ng nasabing koponan.

Samantalang si Romeo, tatlong beses naging scoring champion para sa GlobalPort (ngayo’y NorthPort) at nabansagan pang ‘Golden Boy’ ng Gilas Pilipinas.

Magkalayo ang tinatahak ngayon, ngunit gaano man kaimpresibo ang resume ni Romeo, nananatili pa rin itong problema sa mga koponang pinaglalaruan.

Noong nasa GlobalPort pa ay nakitang nakikipagsigawan sa kanyang coach na si Pido Jarencio, ngayon ay napaulat na nag-AWOL o hindi na nagpapakita sa mga praktis ng TNT si Romeo.

Kung ganito ang siste, may makapagpapatino ba sa kanya?

Ilang coach lang sa PBA ang kayang tumimpla sa iba’t ibang ‘angas’ ng manlalaro, isa na dun ang walang iba kundi ang winningest coach sa liga na si Tim Cone.

Ngunit bakit nga ba gugustuhin ni Cone si Romeo ganong napapabalitang matigas ang ulo nito?

Kung may lalapit man ang laro sa hanggang ngayo’y mukha ng Ginebra na si Mark Caguioa, walang duda na si Romeo ang may kawangis sa laro ng tinaguriang ‘The Spark’.

At kung matutunan o maging mentor ito ni Romeo kasama pa ang sistema ni Cone, ‘di malayong maging bida siya para sa Ginebra.

Kung piyesa naman ang titingnan, maraming pwedeng ipalit ang Kings.

Nandyan ang hindi pa nagagamit na si Julian Sargent, kung nanaisin ay posible ring magamit si Art dela Cruz at Jett Manuel na hindi masyadong nabibigyan ng minuto ngunit dekalibre ang potensyal.

Hindi pa tiyak kung saan nga mapupunta si Romeo, ngunit kung may perpektong koponan para sa ‘angas’ nito, walang duda na Ginebra ang isa sa dapat niyang ikonsidera.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?