664

Jan 29, 2019 @ 18:09
By

Romblon solon humakot ng P4.7B ‘pork’ sa 2019 budget – Andaya

Humakot umano ng higit sa P4.7 bilyon si Romblon Rep. Emmanuel Madrona mula sa P51 bilyong infrastructure allotment insertions ni Budget Sec. Benjamin Diokno sa ilalim ng panukalang 2019 national budget.

Sa inilabas na listahan ni House Appropriations Committee chairman at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., nanguna sa listahan ang pangalan ni Madrona sa higit na 60 mambatatas na umano’y pinaboran ng dating liderato ng Kamara sa ilalim ng napatalsik na dating House Speaker Pantaleon Alvarez at naghati-hati para sa infra projects na inilatag ng tanggapan ni Diokno sa ilalim ng National Expediture Program.

Base sa listahan na isinumite ni Diokno sa mga miyembro ng Bicameral Conference Committee, si Madrona ay humakot ng aabot sa P4.747 bilyon mula sa P51 bilyon na umano’y galing sa last-minute insertions ni Diokno.

Ang nasabing halaga ay bukod pa sa regular na pondo na nakalaan para sa distrito ni Madrona na aabot naman sa P2.023 bilyon.

Kung susumahin, aabot sa P6.770 bilyon ang mga proyektong mapapasakamay ni Madrona kung hindi nabuking ng bagong liderato ng Kamara ang insertions at ‘parked pork’ na umano’y isiningit ng mga dating opisyales ng Mababang Kapulungan.

Si Madrona ay utol ni dating Rep. Eleandro Jesus Madrona na dating pinuno ng House Committee on Accounts.

Ang mambabatas mula Romblon ang pumangalawa lamang kay Alvarez sa mga kongresista na nakakuha ng malalaking alokasyon sa ilalim ng nakabinbin pa ring budget para sa taong kasalukuyan.

Ang dating pinuno ng Kamara ay humakot ng aabot sa P8.4 bilyon sa ilalim ng panukalang budget, kung saan higit P3 bilyon nito ay mula sa pondong isinigit ni Diokno.

Samantala, nakakuha rin ng multi-bilyong alokasyon mula sa P51 bilyong insertions ni Diokno sila Abra Rep. JB Bernos at Albay Rep. Joey Salceda.

Ayon sa listahan ni Andaya, si Bernos ay humakot ng P4.1 bilyon samantalang P3.51 bilyon naman kay Salceda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?