135
spy-on-the-job-rey-marfil
Feb 19, 2018 @ 12:37
By

Romblon pamalit sa Boracay

Malamang aligaga ngayon ang mga may-ari ng hotel at resort sa Boracay dahil sa banta ni Pangulong Digong Duterte na ipasasara niya ang tinaguriang Island Paradise dahil na­ging isla na ito ng ebak.

Kung ako sa mga negosyante sa Boracay, dapat magpulong sila kung papaano maipatutupad ang direktiba ng Pangulo na ayusin ang problema sa loob ng anim na buwan para hindi na mapupunta sa dagat ang mga dumi mula sa mga establi­simyento.

Aba’y hindi nila dapat subukan ang Pangulo dahil ilang matitinding desisyon na ang ginawa nito na akala ng iba eh hindi niya gagawin.

Gaya na lang ng deklarasyon na ipagbawal ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait; ang paniningil sa utang ng mga malalaking kompanya; ang pagpapa­libing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at iba pa.

Kung pagbabasehan ang mga desisyon na iyon ni Duterte, aba’y mukhang mas madali niyang magagawa na ipasara ang Boracay dahil walang masasabing ‘political capital’ na nakataya rito maliban sa mawawalang kita sa turismo.

At suggestion kay Tourism­ Secretary Wanda Teo, bakit hindi pala­kasin ang turismo ng Romblon—puwdeng bangkain at kasing-puti ang buhangin ng Boracay, di hamak mas maganda ang mga tanawin kung nabig­yan lang ng atensyon. Take note: Maraming ka-apel­yido sa Romblon ang Pa­ngulo, as in nagkalat ang pamilya Roa sa lalawigang ito. Kahit itanong niyo kay Mayor Anoy Mateo.

Batay nga sa datos, higit dalawang milyong turista ang nagpunta sa Boracay noong 2017 at gumastos sila ng tinata­yang P56 bilyon. Pero ang tanong, dapat na bang isakripisyo ang magandang isla kapalit ng ma­laking kita?

Sa totoo lang naman, maganda naman ang layunin sa likod ng banta ng Pangulo na ipasasara niya ang Boracay. Kasi naman, kitang-kita sa isinagawang aerial ins­pection ng Department of Environment and Natural Resources, ang madu­ming bahagi ng isla na sinasabing dulot ng kawalan ng maayos na sewerage system.

Ang resulta, lalong tumindi ang dami ng buo-buong lumot sa dalampasigan at lumala rin ang coliform bacteria na indikasyon ng mga dumi ng tao at hayop na humahalo sa tubig-dagat.

Aba’y ang puti nga ng buhangin, malumot naman ang dalampasigan at may ebak pa ang tubig. Hindi naman ito ang ­unang pagkakataon na si­nita ang sumasamang kondisyon ng tubig sa dagat at mismong isla ng Boracay dahil sa duma­daming tao doon at mga itinatayong establisim­yento.

At pagkaraan ng marami pang taon, tila walang nangyari sa mga babala, patuloy pang dumami ang hotel at resort, pero walang pagbabago sa daluyan ng dumi at maging ang tapunan ng basura.

Marahil gaya ng mga nagdaang panahon kapag nasisita ang dumi sa Boracay, malamang na bumaba rin ang bilang ng turista (lalo na ang mga dayuhan) na magpupunta sa isla ngayong summer. Pero isipin na lang ang pangmatagalang kabutihan na idudulot sa isla at sa mga bakasyu­nista kapag naisaayos ang dapat na ayusin.

Pero kung gusto nilang subukan kung kaya at tototohanin ng Pangulo ang banta na ipasasara niya ang Boracay…aba’y sige lang, nang malaman nating lahat. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy niyo.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?