64

Dec 8, 2017 @ 20:01
By

Rockets tinumba ang Jazz; Nets nanalo sa Thunder

Nagbaon si James Harden sa Houston Rockets ng 29 puntos tungo sa pagposte ng ikawalong sunod na panalo sa 72nd NBA 2017-2018 elims game, isang 112-101 utas sa Utah Jazz, Huwebes ng gabi.

Pumasada si Ryan Anderson ng 23 points at umasarol si Chris Paul ng 18 points, 13 assists at nine rebounds para sa Houston, ang lider ng Western Conference na ngayo’y hapit ang 14 panalo sa huling 15 games.

Sadlak ang Jazz sa walong turnovers sa unang bahagi para hilahin ang 13 points ungos para sa Rockets.

Gayunpaman, dalawang beses na namaniobra ng Jazz ang ungos sa first half – pero dalawang beses ding humarurot ang Rockets sa unahan.

Umalagwa ang Houston sa ikalawang kanto tungo sa pagbulid ng 74-53 bentahe sa kaagahan ng ikatlo sa sinindihang 13-2 pasabog, kabilang ang 3-point play ni Clint Capela at dakdak.

Pinasabog ng Rockets ang 25 puntos na kalamangan sa second half at dumiretso na sa panalo.

“We just started giving up wide open threes down the stretch,” daldal ni Paul. “We know we’ve got to be better, but we’ll take the win.”

Sa iba pang laro, umiskor si Caris LeVert ng 21 points, naghatag ng 10 assists kung saan binura ng Brooklyn Nets ang 16-point pagkaiwan para patahimikin ang Oklahoma City Thunder, 100-95, sa Mexico City.

Ang aksiyon ay una sa dalawang naiskedyul sa Mexico para sa Nets, na sasagupain pa ang Miami Heat sa Ciudad de Mexico Arena sa Sabado (Linggo sa Pinas). (AFP)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?