63

Oct 7, 2021 @ 16:59
By

Robredo: Tatalunin natin ang luma, bulok na klase ng politika

Inihayag na ni Vice President Leni Robredo ang pagtakbong pangulo sa 2022 elections.

Sa kanyang pagsasalita mula sa kanyang opisina sa Quezon City Reception House nitong Huwebes, sinabi niyang handa na siyang lumaban para matapos ang paghihirap ng mga Pilipino.

Tatalunin din umano niya ang luma at bulok na klase ng politika, at ibabalik sa kamay ng karaniwang Pilipino ang kakayahang magdala ng pagbabago.

“Naniniwala ako ang pag-ibig nasusukat hindi lang sa pagtitiis, kundi sa kahandaang lumaban, kahit gaano kahirap, para matapos na ang pagtitiis. Ang nagmamahal, kailangang ipaglaban ang minamahal,” sambit ni Robredo.

“Buong-buo ang loob ko ngayon. Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako. Lalaban tayo, inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagka-pangulo sa halalan ng 2022,” dagdag niya.

“Malinaw sa lahat ang hamon na kinakaharap natin, nakita na nating lahat ang pagsisinungaling at panggigipit na kayang gawin ng iba para maabot ang mga layunin nila. Nasa kanila ang pera, makinarya, isang buong istrukturang kayang magpalaganap ng anumang kuwentong gusto nilang palabasin,” patuloy niya.

“Pero hindi kayang tabunan ng kahit na anong ingay ang katotohanan. Kung parehong uri ng pamamahala at pareho ang pagkatao ng mga magwawagi sa araw ng halalan, wala tayong aasahang pagbabago. Dito tayo poposisyon. Tatalunin natin ang luma at bulok na klase ng politika. Ibabalik natin sa kamay ng karaniwang Pilipino ang kakayahan magdalawa ng pagbabago,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?