118

By

Robredo sinupalpal ang ‘shit happens’ ni Bato sa pagkamatay ng 3-anyos

Hindi maaaring sabihin na normal na nangyayari sa isang anti-drug operation ang naganap na pagkamatay ni Myka Ulpina, 3-anyos dahil kung maayos ang war on drugs ng pamahalaan ay hindi ito mangyayari, pahayag ni Vice President Leni Robredo.

Ito ay matapos na mapatay ang isang 3-anyos na batang babae sa drug buy-bust operation sa Rizal.

Saad ni Robredo ang pagkamatay ni Ulpina ay dapat na magsilbing ‘wake up call’ sa lahat dahil hindi dapat ito nangyayari.

“Napakarami nang mga bata na naunang namatay, either sinasabing napagkamalan o nadamay lang. Iyong tanong lang: sa dami ba ng pagkamatay, anong ginagawa natin?”

“Hindi puwedeng sabihin na ‘Talagang nangyayari iyan’, kasi kapag inaayos naman natin iyong kampanya, hindi naman dapat nangyayari iyan,” saad ni Robredo sa kaniyang weekly radio show na BISErbisyong LENI.

Ito ang sagot ni Robredo sa komento ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na “shit happens” sa police operations.

“Iyong sa akin lang, iyong pinakahuling nangyari, dapat wake-up call ito sa lahat na ito na iyong huli. Pero kung wala tayong gawin — kahit may nangyari nang ganito, wala tayong gawin, kasalanan na natin iyon,” dagdag ni Robredo.

Matatandaang noong Huwebes, sa Kapihan sa Senado forum ay dinepensahan ni Bato ang mga pulis dahil hindi naman umano maiiwasan ang ganoong insidente sa mga police operations.

“Sino bang may gusto? Ikaw ba, pulis ka gusto mo may bata tamaan? Kasi ikaw may anak ka rin, hindi mo gustong may mangyari na ganun?” saad ni Bato.

“Pero sh*t happens. During operation, shit happens,” dagdag niya.

Sagot naman ni Robredo,“Medyo nakakagalit iyong reaksyon na ‘talagang nangyayari’. Parang, ano ba…. parang isa lang sa statistics. Parang numero lang, talagang nangyayari. Hindi nakikita iyong mukha, iyong dalamhati, iyong pamilyang naiiwan.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?