102

Feb 28, 2021 @ 13:57

Robredo pumabor sa mga doktor: Sinovac padaanin muna sa HTAC

“Donated man ‘yan o bibilhin natin, kailangan nating proteksyunan ang ating mga kababayan.”

Pananaw ito ni Vice President Leni Robredo, na sinang-ayunan ang panawagan ng Philippine General Hospital Physicians’ Association (PGH PA) na dapat dumaan sa pagtatasa ng government-based Health Technology Assessment Council (HTAC) ang mga COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac bago ito iturok sa mga Pinoy health worker.

Ang unang batch ng CoronaVac doses na donasyon ng China ay inaasahang darating sa bansa ngayong hapon.

“Ako mismo, hindi ko binibili yung ganoong argument na dahil donated, hindi na kailangan ng positive recommendation ng HTAC,” sambit ni Robredo sa kanyang lingguhang radio program, Linggo.

“Kasi donated man ‘yan o bibilhin natin, kailangan nating proteksyunan ang ating mga kababayan. Ano lang naman yung magkaroon ng positive recommendation?”

“Hindi ko naman sinasabing masama ‘yung Sinovac. Ang sinasabi ko lang, mag-go through naman sana sa proseso para siguradong protected tayo,” dagdag niya.

Una nang nanindigan ang PGH PA na kahit pa Sinovac lang ang tanging coronavirus vaccine na available sa bansa ay dapat pa rin itong dumaan sa HTAC “to facilitate individual informed decision-making before it is administered to healthcare workers.”

Ang HTAC ay binubuo ng mga health expert at ang siyang nagsusuri ng mga COVID-19 vaccine na inaapruba ng Food and Drug Administration (FDA) at bumubuo ng rekomendasiyon sa Department of Health (DOH) sa kung aling mga bakuna ang dapat bilhin para sa taumbayan.

Una nang sinabi ng HTAC na hindi pa ito naglalabas ng rekomendasiyon sa paggamit ng CoronaVac at “naghihintay pa ng datos” na kinakailangan para matapos nila ang kanilang assessment.

Samantala, bagaman binigyan nila ng emergency use authorization ang CoronaVac ay sinabi ng FDA na hindi nila ito irerekomendang iturok sa medical workers na exposed sa coronavirus patients kasi 50.4% epektibo lang ito para sa nasabing grupo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?