103

Mar 7, 2021 @ 12:30

Robredo kay De Lima: Hindi ka nag-iisa

Tiniyak ni Vice President Leni Robredo kay Senadora Leila de Lima na patuloy niyang susuportahan ang mambabatas sa matinding laban nito para sa katotohanan, hustisya at kalayaan sa gitna ng nararanasang pagsubok sa buhay.

Ayon kay Robredo, hindi nag-iisa si De Lima — na nasa ikaapat na taon na nitong pagkakakulong — sa kanyang laban dahil maraming mga Pilipino ang nakahandaang depensahan siya.

“Alam kong napakahirap ang mawalay sa pamilya at mga mahal sa buhay especially during these times; maraming takot at pangamba. Pero nandito ako at ang napakarami pa nating mga kababayan na naniniwala sa‘yo at sa katarungan para iparating ‘yung mensahe: Hindi ka nag-iisa, Sen. Leila,” pahayag ni Robredo.

“We have always been with you since Day 1, and we will always be with you hanggang dulo, hanggang sa sabay-sabay nating mapapagtagumpayan ito,” dagdag o anito.

Ayon pa kay Robredo na kapwa Bicolana tulad ni De Lima, nagsilbing inspirasyon umano ng tao ang pagiging matapang at matatag ng senadora kasabay ng pagsabing ang laban nito ay laban ng bawat Pilipino.

“Sino ba naman ang hindi mai-inspire sa halimbawang ipinapakita mo? Every time we get to see you in the news, every time we read your statements and dispatches from Crame, parang mas tumatapang at mas nagiging buo rin ‘yung loob namin. Nakakahawa ‘yung tapang at paninindigan mo, Sen. Leila,” ani Robredo.

“Ididiin ko: Ang laban mo ay laban din ng bawat isa sa amin. Laban ito ng bawat isang Pilipino na naniniwala sa karapatan, kalayaan, at dignidad ng bawat tao; ng bawat isang mamamayan na nagtitiwalang lagi nilang maaasahan ang batas na panigan kung ano ang tama, mabuti, at makatarungan,” sambit pa nito.

Naniniwala pa ang Bise Presidente na mapapawalang sala si De Lima sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

“You will feel vindicated, you will be reunited with your family and loved ones, and you will be able to serve our countrymen habang malayang nakalalakad sa mga kalsada natin, habang malayang tumitingala sa langit ng Pilipinas,” ani Robredo

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?