1,186

Jul 23, 2021 @ 17:20
By

Robredo: Isko-Pacquiao tandem malakas pero…

Naniniwala si Vice President Leni Robredo na may sipa ang tambalan nina Manila Mayor Isko Moreno at Senador Manny Pacquiao sa ngayon.

Pero aniya, masyado pang maaga at marami pang puwedeng magbago tulad ng naging karanasan niya nang kumandidato.

“Kung Isko-Pacquiao, malakas iyon. Malakas iyon kasi kung numbers ngayon iyong pagbabasehan. Pero para kasi sa akin sobrang aga pa,” lahad niya sa sidelines ng COVID-19 vaccine express event sa Naga.

“Kahit malapit na iyong filing, sobrang aga pa para magkaroon na ng ganoon. Iyong experience ko noong 2013, iyong experience ko noong 2016, ang dami pang puwedeng magbago,” dagdag niya.

Tinutukoy na karanasan ni Robredo nang tumakbo siya bilang kinatawan ng Camarines Sur noong 2013 at vice president noong 2016 kung saan kapwa siya kulelat sa mga survey pero nagwagi nang ganapin ang eleksyon.

Sa pinakabagong Pulse Asia poll, pumang-anim si Robredo sa mga posibleng presidential bet sa 2022 elections sa 6% rating.

Pangalawa si Moreno sa 14% habang pangsiyam si Pacquiao sa 9%.

Nanguna sa survey si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 28%.

Wala pang anunsyo si Robredo tungkol sa plano niya sa papalapit na halalan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?