10

Sep 28, 2020 @ 19:47
By

Robredo: Ayaw naming mabigo gobyerno

Taliwas sa pag-iisip ng mga supporter ng administrasyong Duterte, nilinaw ni Vice President Leni Robredo na hindi nila layon na pabagsakin ang gobyerno.

Anang Bise Presidente sa kanyang public address nitong Lunes, nais lamang nilang tumulong.

“Ididiin ko: Gusto lang naming tumulong. Ayaw naming mabigo ang gobyerno, dahil kapag nabigo ang gobyerno, tayong mga Pilipino ang magdurusa, tayong mga Pilipino ang magkakasakit at mamamatay,” paliwanag ni Robredo sa pre-recorded address niya na pinalabas sa Facebook, Sept. 28.

“Malaki ang problema, kaya dapat lahat tayo may puwedeng iambag. Hindi ito panahon para ipagdiinan ang hidwaang Administrasyon o Oposisyon. Sa panahong ito, ang mahalaga, Pilipino tayong lahat,” sambit pa niya.

Naniniwala rin daw si Robredo na nais ng gobyerno na maresolba ang pandemya at ginagawa ang lahat para rito pero ang mabuting intensyon na iyon ay hindi sapat.

“Naniniwala pa rin ako sa mabuting intensyon ng pamahalaan, kabilang na ng mga nasa matataas na katungkulan. Ngunit sa bigat ng ating kinakaharap, hindi sapat ang mabuting intensyon. Kailangan strategic at organized ang pagkilos,” punto ng Vice President.

“Dahil sa kabila ng mabuting mga intensyon, hindi maikakaila ang katotohanan: Maraming Pilipino ang patuloy na nagkakasakit. Alam nating lahat ito; lahat tayo, may kakilala nang pumanaw, nagkasakit, nabaon sa utang, o nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Ito ang simpleng katotohanan, at kung gusto nating baguhin ang trajectory ng bansa, kailangan nating harapin ito, at maging bukas sa lahat ng kaisipan, lahat ng mungkahi,” dagdag niya.

Magugunitang nanawagan sa publiko si Pangulong Rodrigo Duterte sa huling public address niya noong September 21 na huwag makinig sa mga “dilawan”, ang trademark na kulay ng oposisyon, dahil puro puna raw sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno laban sa pandemic. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?