326

May 5, 2021 @ 18:01
By

Robin Padilla taghirap, nagalaw na savings sa mga anak

Aminado ang aktor na si Robin Padilla na maging ang kanyang pamilya ay nagkakaproblema sa pera dahil sa coronavirus pandemic.

Sa Instagram post, sinabi ni Robin na nagamit na nila ng misis na si Mariel Rodriguez ang nakalaang ipon para sa kanilang mga anak.

“Mga kababayan kaya natin ito basta tulong tulong tayo. Hindi lamang po kayo ang hirap pati po kami sa aming tirahan ay masikip na masikip na ang sinturon sa pagtitipid, ang mga savings ay naghihingalo na kayat pati ang nakalaan para sa edukasyon ng mga bata ay nagalaw na pero patuloy pa rin naming itinatawid ang mga taong nasa pakpak namin,” anang action star.

“Ang asawa ko ay nag negosyo na rin para makatulong sa aming mga panggastos halos wala ng tulog sa kakaalaga sa pamilya niya at sa pag aayos ng karne niya pero kinakailangan niya kumilos.

“Walang may masarap na buhay ngayon kundi yun mga nalathala na mas yumaman nong nagkapandemya pero tayong mas nakakaraming mga pilipino ay tagilid na ang bangka at ang iba ay taob na at naka salbabida na lang para hindi tuluyan lumubog,” dagdag niya.

Hinimok ng aktor ang mga kababayan na huwag susuko at magtulungan.

“Hindi tayo pababayaan ng ating mahal na Pangulo at ng gobyerno. Tulungan din natin sila, tulong tulong tayo. Ginagawa ng lahat ng ahensya ng gobyerno ang lahat lahat para sa atin. Hindi lang tayo ang naghihikahos pati ang mayayaman na bansa hirap na rin sila.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?