4,858

Sep 17, 2021 @ 15:21
By

Robin balak tumakbong senador, gobernador o mayor

Humingi ng payo sa mga netizen si Robin Padilla kung itutuloy ba niya ang planong pagsabak sa politika o magbalik na lang siya sa pelikula.

Sa isang Facebook Live, sinabi ng aktor na naguguluhan siya para sa aniya’y pinakamabigat na desisyon na gagawin niya sa kanyang buhay.

Batid daw niyang ngayong Oktubre na ang simula ng paghahain ng certificate of candidacy ng mga gustong kumandidato sa Eleksyon 2022.

Sinabi niyang binalak niya na tumakbo sa Camarines Norte bilang gobernador ngunit na-shock siya sa laki ng gagastusin, na hindi raw niya kakayanin.

“P150 milyon saan naman ako kukuha noon. May makuha ka man noon, makautang ka man ibig sabihin babayaran mo ‘yun. Papaano mo babayaran ‘yung pabor na ‘yun. Katakot-takot na pabor, ibig sabihin ‘yung pagbabago mong gustong gawin wala ring mangyayari,” wika niya.

Pero dahil sa kalagayan aniya ng mga taga-Camarines Norte kaya pinag-iisipan niya itong mabuti.

Nasa isipan din daw niya ang pagtakbong senador dahil nais niyang matupad ang pederalismo sa bansa na aniya’y gamot sa korapsyon pati na ang pagka-mayor ng Jose Panganiban sa Bicol.

Marami rin daw alok na magagandang pelikula sa kanya kabilang na ang part 2 ng “Mistah” at part 3 ng “Bad Boy”.

Kaya tinanong niya ang mga netizen kung ano ang dapat niyang gawin, kung sasabak ba sa politika o magbabalik pelikula na lang siya?

Panoorin ang buong FB Live ng aktor sa ibaba:

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?