181

Jan 2, 2018 @ 17:57
By

Robbery sa Manor Hotel sa Pasay, ‘inside job’ – SPD

Hindi inaalis ng Southern Police District (SPD) ang posibilidad na isang kaso ng ‘inside job’ ang panghoholdap sa isang maliit na hotel sa Pasay City kanina madaling araw.

Ayon kay Police Chief Supt. Tomas Apolinaro, director ng SPD, hindi malayong natimbrehan ng nagtatrabaho sa hotel ang apat na holdaper dahil sa kanilang tiyempo.

Bago mag alas-4 ng madaling araw, Martes, nang holdapin ng apat na armadong lalaki ang Mabuhay Manor Hotel, dating Anito Hotel, sa. F.B. Harrison Street sa Pasay City.

Karaniwan umano na alas-3:30 ng umaga ipinapasok sa vault ang kita ng hotel.

Nakuha ng mga holdaper ang P33,000 cash mula sa hotel counter staff.

Pinuna rin ni Apolinario na nagkataong nasa lobby ng hotel at pa-check out ang isang OFW na may bitbit na malaking halaga at may suot na mamahaling relong Rolex.

Nakuha sa OFW na si Dominador Castro ang Rolex na nagkakahalaga ng $13,000, may cash umano na $15,800 at mga gadget na nagkakahalaga ng $7,000.

Hihingin naman ng pulisya ang certificate ng Rolex ng OFW para matunton ang mga holdaper sakaling ibenta o isanla ang relo na may taglay na unique serial number kung orihinal. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?