82

Oct 23, 2017 @ 18:43

Road repairs awat muna sa Kapaskuhan

Ipatitigil muna ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagkukumpuni at paghuhukay sa lahat ng mga lansangan sa lungsod para sa Kapaskuhan.

Sa panukala ng MMDA, sususpendihin ang road reblocking o road repairs at excavation activities mula Nobyembre 1, 2017 hanggang Enero 15, 2018.

Ayon kay MMDA Assistant General Manager Jose Arturo Garcia Jr., kailangan itong gawin dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga motorista sa mga panahong ito kaya kailangang laging malinis sa sagabal ang mga lansangan.

Kinausap na at pumayag na umano ang Department of Public Works and Highways (DPWH), mga telecommunication companies, electric companies at mga pribadong kontratista.

Sa balangkas ng memorandum ni MMDA Chairman Danilo Lim, nakasaad na pansamantalang ipatitigil ang mga road-reblocking works, pipe laying, road upgrading at mga paghuhukay na maaring makaapekto sa daloy ng trapiko.

HIndi naman ipahihinto ang flagship projects ng gobyerno tulad ng itinatayong skyway na magdurugong sa South Luzon Expressway at North Luzon Expressway.

Hindi rin ipatitigil ang mga tulay na ginagawa ng DPWH, ang pagkukumpuni ng mga bangketa at drainage basta’t hindi ookupa sa alinmang bahagi ng kalsada gayundin ang biglaang pagkukumpuni ng mga linya ng tubig at kuryente.

Pero pakikiusapan ang mga kontratista na gawin ang pagkukumpuni sa gabi.

Ayon kay Garcia, isasapinal ang memorandum circular dito ng MMDA kapag natanggap ni Lim ang imbentaryo ng ginagawa ngayong road reblockings sa Kamaynilaan. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?