100

By

Ritwal ng pagtastas ng net, naihabol ni Sol Mercado

Sharing is caring!

IILANG ilaw na lang ang nakasindi sa loob ng MOA Arena, sa tapat ng basketball court isang oras matapos itaas ng Ginebra ang 2018 PBA Commissioner’s Cup trophy.

Humupa na ang nakakayanig na sigawan ng higit 20,000 fans na sumaksi sa 93-77 title-clinching win ng Gins kontra San Miguel Beer Miyerkoles ng gabi, ilang maintenance team na lang ang naiwan na nag-aayos at nagwawalis ng mga kalat.

Mula sa dugout, may isang anino na lumabas, dumiretso sa ilalim ng basket at naghagilap ng matutuntungan.

Si Sol Mercado pala.

Itinuloy ng Gin Kings ang selebrasyon sa dugout, bumubuhos na ang iced water, nang maalala ng veteran guard ang isang bagay na naging tradisyon na ng bawat team na nananalo ng championship: pagtastas ng net sa rim.

Sa sobrang saya pagkatapos sipain sa trono ang Beermen, walang nakaalala sa Gin Kings na gawin ang ritwal. Bilang tradisyon, tinatastas ng champion team ang net para iuwi kasama ang trophy.

“We all got caught up in the moment and forgot,” natatawang pahayag ni Mercado.

Pagkatapos ng Game 6 ay naisip pa raw ni Mercado na isa-isang yayain ang mga kakampi para magkanya-kanyang tastas sa net.

Nagkalimutan na.

Pero hindi si Mercado, na hindi papayag na hindi niya maiuuwi ang net. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?