56

Oct 19, 2017 @ 17:54

Riding-in-tandem, puntirya ng PNP

Tututukan na ngayon ng hanay ng Philippine National Police (PNP) ang pagresolba sa libu-libong kaso ng pagpatay o homicide cases under investigation, kabilang na rito ang riding-in-tandem.

Ito’y matapos alisin sa PNP ang pangunguna sa pagsasagawa ng anti-illegal drugs operations.

Ayon kay PNP spokesman Police Chief Supt. Dionardo Carlos, nagkasundo ang oversight committee sa kanilang pagpupulong kahapon na may kaugnayan sa anti-illegal drugs, na pagtuunan nila ng pansin ngayon ang pagresolba sa kaso ng mga pagpatay.

Sinabi ni Carlos na sa ngayon ay may 10,000 kaso ng homicide under investigation.

Sinabi pa ng tagapagsalita na mahalagang maresolba ang mga kaso upang matukoy ang motibo at mga suspek kontra sa akusasyon na may umiiral na extrajudicial killings sa bansa.

Bukod sa pagresolba sa mga homicide cases, tututukan din ng PNP ang internal cleansing at pagpapalakas sa defensive position laban sa terorismo. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?