By

Riding-in-tandem dedbol sa encounter sa QC

Sharing is caring!

Patay ang dalawang hindi pa nakikilanag holdaper na magkaangkas sa motorsiklo matapos na mangholdap at maka-engkwentro ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Traffic Management Unit (TMU) at Quezon City Police District (QCPD) nitong Sabado ng umaga sa Novaliches, Quezon City.

Sa inisyal na report na natanggap ni P/Supt Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Dtection Unit (CIDU) ng QCPD, ang mga di-pa nakikilalang mga holdaper ay kapwa nasa pagitan ng edad 30-35, may limang talampakan ang taas, kapwa nakasuot ng itim na t-shirt, itim at fatigue na short pants, may mga tatoo sa katawan at sakay ng motorsiklo na walang plaka.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 George Calcuba, dakong alas 11: 45 ng umaga ay hinablot ng mga suspek ang bag ng biktimang si Luzviminda Colite Tanauan, 28, saleslady ng I-Mall, habang naglalakad pauwi sa kanilang tahanan sa No. 841 Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches.

Nagtangka pang makipaghatakan ng bag ang biktima sa mga suspek na sakay ng motorsiklo pero dahil sa takot na makaladkad ay binitiwan na rin ng saleslady ang kanyang bag at tinanaw na lamang ang mga papatakas na riding-in -tandem patungo sa direksiyon ng Barangay San Bartolome.

Walang nagawa ang biktima kundi ireport na lamang sa Novaliches Police Station 2 ang naganap na panghoholdap sa kanya at inilarawan ang motorsiklo na ginamit ng mga holdaper.

Sa isinagawang follow -up operation nina POI’s Kim Justine Roman, Erick John Eslava at Ian John Nunez, ng Novaliches Police Station 2, dakong alas 11:10 ng gabi nang maispatan ang inilarawang motorsiklo ng saleslady na tila mambibiktima na naman sa kanto ng P. De La Cruz St., San Bartolome at Pasacola ng nasabing barangay.

Agad nilang hinarang ang motorsiklong sinasakyan ng mga suspek subalit sa halip na huminto ay mabilis na pinaharurot pa ng mga ito ang kanilang sasakyan at nakipagbarilan sa mga pulis.

Nakorner ng mga nabanggit na pulis ang riding-in-tandem sa Pasacola St., Bry. Nagkaisang Nayon subalit nakipagpalitan pa rin ng putok ng baril ang mga holadper laban sa mga awtoridad.

Nang matapos ang palitan ng putok ng baril ay nakitang kapwa duguang nakahandusay ang mga suspek na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sila ay dinala sa PNP Crime Laboratory para maawtopsiya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?