61

By

Rider pisak sa trailer truck

Lumabas ang bituka ng isang 25 anyos na rider matapos masagasaan ng isang trailer truck ang kanyang katawan, nang malubak at sumemplang ang kanyang sinasakyang motorsiklo,kahapon ng madaling araw sa Malate, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Ralph Pagsanjan, residente ng 2426 Miguel Street, sa San Andres Bukid, Maynila.

Habang isinasailalim naman ng imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)-Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS), ang suspek na si Persinando A. Libunao, 59, residente ng 484 Lakambini Strreet, 2nd Avenue, Caloocan City.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Roberto T. Carpio, ng VTIS ,naganap ang insidente alas 5:45 ng madaling araw sa southbound lane ng Osmeña Highway , malapit sa kanto ng Arellano Street sa Malate.

Sakay umano ng kanyang bagong motorsiklo ang biktima na ‘for registration’ pa lamang galing sa area ng San Andres, nang pagsapit sa naturang lugar, ay umakto itong liliko pakaliwa.

Gayunman, minalas na malubak ang biktima at dahil sa madulas ang daan ay sumemplang ito at tumilapon.

Lumagapak ang biktima patungo sa daraanan ng trailer truck na minamaneho ni Libunao na may plakang AAT- 1982, kaya’t nasagasaan ng hulihang gulong ng truck ang katawan ng biktima, sanhi upang lumabas ang bituka nito, at masawi.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?