64

Oct 19, 2017 @ 17:00

Rider, patay sa pamamaril

Isang hindi pa nakikilalang lalaking rider ang patay matapos na barilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Caloocan City Police Community Precinct 3, ganap umanong alas-2:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 4-C, Package 6, Block 8, Barangay 176, Barugo ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong binabaybay ng biktimang inaalam pa ang pagkakakilanlan, ang kahabaan ng Phase 4-C lulan ng isang motorsiklong papalabas sa main road.

Dito’y nilapitan ang biktima ng suspek na naglakad lang at humarang sa dadaanan ng una.

Nagawang makapreno ng biktima ngunit hinawakan siya nang mahigpit ng ‘di nakikilalang suspek saka pinaputukan ng dalawang beses sa ulo.

Matapos na masigurong patay na ang biktima, agad na tumakas ang suspek.

Pagdating ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente, naabutan pa nilang nakabulagta sa kanyang motorsiklo ang biktima na naliligo sa sariling dugo.

Isang official receipt at photocopy ng certificate of registration naman ang natagpuan ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) sa compartment ng motorsiklong dala ng biktima na nakapangalan sa isang babae’t lalaki na hindi na muna sinabi ng pulisya.

Sa ngayon, kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?