194

By

Rider patay sa banggaan ng motorsiklo at trak sa Makati

Nasawi ang isang rider habang sugatan ang angkas nito matapos makasalpukan ang concrete mixer truck sa Makati City, Biyernes ng gabi.

Batay sa inisyal na report, agad namatay sa insidente si Robb Membrere, 25, matapos magulungan ng trak na minamaneho ni Andy Cordero Supan, 41.

Sugatan naman ang angkas ni Membrere na si Renalyn Jaravilla, 26, matapos tumilapon sa motorsiklo. Dinala na siya sa St. Luke’s Hospital sa Taguig City para magamot.

Nangyari umano ang insidente alas-otso ng gabi sa northbound lane ng intersection na nagkokonekta sa EDSA Service Road at Lapu-Lapu St., sa Barangay Magallanes.

Kapwa umano binabagtas ng motorsiklo at trak ang EDSA northbound lane mula sa Pasay City patungong direksiyon ng South Superhighway.

Nang makarating sa EDSA Service Road ay nagbungguan ang dalawang sasakyan nang pareho sila ng lilipatang linya.

Dinala na ang driver ng trak sa presinto at posibleng maharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?