94

Dec 14, 2017 @ 9:10
By

Rider na lola todas sa bus, asawa sugatan

Todas ang isang lola at sugatan naman ang kanyang asawa nang sumemplang sa madulas na kalsada ang kanilang sinasakyang motorsiklo at minalas na pumailalim sa kasunod nilang pampasaherong bus sa Brgy. Fairview, Quezon City, Martes ng gabi.

Namatay noon din si Angelita Galan, 62-anyos, ng Area A, Libis Santan St., Camarin, Caloocan City, habang nagtamo ng mga sugat at galos sa katawan ang kanyang asawang si Domingo, 60-anyos, na kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center.

Sa ulat ni SPO2 Rabindranath Sierra, ng Quezon City Traffic Bureau, pasado alas-11:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Regalado Avenue sa naturang barangay.

Magka-angkas umano ang mag-asawang senior citizen sa kanilang Kawasaki Curve Motorcycle (4949-RN), subalit dahil sa ulan ay naging madulas ang kalsada, sanhi upang sumemplang ang kanilang sasakyan at humagis ang mag-asawa.

Hindi naman nagawang makapagpreno agad nang kasunod nilang Viofel bus na may plakang UYC-279, na minamaneho ni John Manalo, 30, ng Bulacan, kaya’t pumailalim ang mag-asawa sa bus.

Ayon kay Marife Las Marias, konduktor ng bus, mabagal lang ang kanilang takbo dahil maulan noon ngunit talagang pagewang-gewang na ang nauuna sa kanilang motorsiklo.

“Wala nga po sa 30 (kph) yung takbo namin. Parang pa-gewang-gewang po sila nung nakita namin,” anang konduktor. Magkayakap pa umano ang mag-asawa nang makuha ang mga ito sa ilalim ng bus.

Nabatid na pagarahe na sana ang bus na may biyaheng Quiapo-Commonwealth, nang maganap ang aksidente.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries with homicide ang driver ng bus. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?