80
tnt_holdap
Nov 24, 2017 @ 14:13
By

Rider, hinoldap na, kinarnap pa ng kapwa rider

Hinoldap na, kinarnap pa ang motorsiklo ng dalawang biktima matapos harangin at tutukan ng baril ng apat na suspek na lulan din ng motorsiklo, Huwebes ng gabi sa Buting, Pasig City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director SSupt. Romulo Sapitula, pauwi na sana galing sa trabaho ang dalawang biktima na sina Abraham Cabriles y Pascual, 23-anyos at Marjory Castillo y Tigma, nasa hustong gulang, kapwa residente ng Cembo, Makati City nang harangin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Batay sa report, bandang 9:30 kamakalawa ng gabi nang sumabay si Castillo sa katrabaho pauwi lulan ng kanilang company service motorcycle na Suzuki Smash MV File Nr. 513965 at nang mapadaan sa Kaunlaran Bridge na sakop ng Barangay Buting, Pasig City.

Ayon sa mga biktima, bigla silang hinarang ng dalawang suspek na nakasakay ng motorsiklo habang parating naman ang dalawa pang suspek na ipinarada ang motorsiklo sa kanto ng tulay at agad silang tinutukan ng hindi mabatid na kalibre ng baril at kinuha ang kanilang bag na naglalaman ng dalawang cellphone, mahahalagang dokumento at wallet na naglalaman ng P1,500.00 cash money at sapilitang inagaw ang kabilang sinasakyang company Suzuki motorcycle.

Iniwan ang dalawang biktima sa kanto ng Kaunlaran bridge at mabilis na humarurot ang mga suspek na kinabibilangan ng tatlong lalaki at isang babae na dala ang kanilang motorsiklo patungong Barangay San Juaquin, Pasig City.

Inilagay na ng pulisya sa alert ang nasabing motorsiklo habang inaalam pa kung may cctv unit sa nasabing lugar upang makilala ang mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?