97

By

Ricky Reyes isang tunay na ‘Mother’

Higit pa sa pagiging isang hairdresser at businessman, isa ring pilantropo si Ricky Reyes.

Sa programang Celebrity Talk ni Tita Aster Amoyo sa Abante Tonite kung saan ay nakapanayam ng aming team si Ricky Reyes, natuklasan namin ang isa sa dahilan kung bakit siya nabansagan bilang isang ‘Mother’. Tunay ngang maihahalintulad si Ricky sa isang ina.

Bago pa man magkapangalan si Ricky Reyes sa mundo ng mga sikat, tumayo na siya bilang isang breadwinner.

Bilang isang panganay na anak, tinustusan niya ang pangangailangan ng mga ito.

Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang tagawalis ng mga buhok sa isang salon.

Ibinahagi niya na ito ang naging daan upang matutunan niya ang paggugupit, aniya habang nagwawalis pinapanood niya ang mga naggugupit.

Dito na nagsimula ang kanyang pagsikat, dumami ang kanyang mga customer hanggang sa nakilala ang tatak ‘Gandang Ricky Reyes’.

Inamin niya na bagama’t naging malakas ang kanyang kita noong 1980, hindi siya masaya sa natatanggap niyang kasikatan at pera.

Dito niya naisipan na magtayo ng hair-raising organization at sinimulan niya rin ang isang proyekto para sa mga taga ‘Kubeta Village’ kung saan natuto ang 168,000 katao na maggupit.

Ito umano ang sikreto niya sa tagumpay, “Maaaring ang pinagkaiba ko sa iba is I learned how to give back.”

Maliban sa mga nauna niyang proyekto, at mga business, isa rin sa kaniyang pinagkakaabalahan ay ang Child Haus, ang nagsisilbing tirahan ng mga batang may cancer na dumayo ng Maynila upang magpagaling at walang matirahan dito.

Hindi maipagkakaila ang taglay na yaman at kabutihang taglay ni Ricky, nang tanungin kung ano pa ang kanyang hiling, sinagot niya ay ang mahaba pang buhay upang makatulong pa nang mas matagal.

Ayon sa kanya, hindi mahalaga na balang araw ay makalimutan siya ng mga tao.

Dagdag pa niya, “One hundred years from now, it will not matter what my bank account was, the sort of house I lived in, or the kind of car I drove, but the world may be different because I was important in the life of a child.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?