65

Oct 12, 2017 @ 8:00

‘Rice smuggling king’ David iimbestigahan ng DOJ

Bumuo na ng panel ang Department of Justice (DoJ) upang imbestigahan ang “refiled” complaint ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa umano’y rice smuggler king na si Davidson Bangayan alias “David Tan” at iba pa na sangkot umano sa pagmamanipula ng supply ng bigas sa merkado.

Pamumunuan ni Assistant State Prosecutor Eden Valdes ang pagsisiyasat sa reklamo ng NBI anti-graft division na ni-refile sa DoJ noong Agosto 29, 2017, tatlong taon pagkatapos ibalik ng DoJ sa bureau ang orihinal na kopya ng complaint laban kina Bangayan noong Agosto 2014.

Muling binuksan ang imbestigasyon laban sa grupo ni Bangayan batay sa kahilingan ng Senate committees on Agriculture and Food, Ways and Means, Trade and Commerce, at Accountability of Public Officers.

Sa refiled complaint, nahaharap si Bangayan sa kasong paglabag sa Article 186 ng Revised Penal Code (monopolies and combinations in restraint of trade) kasama sina Judilyne Lim, David Lim at Leah Echiveria ng DL Commodities na nakabase sa Cebu; Elizabeth Faustino at Eleanor Rodriguez.

Sinampahan din ng paglabag sa Government Procurement Reform Act sina Bangayan, Judilyne Lim, Faustino, Rodriguez at Echeveria.

Kinasuhan din si Bangayan ng paglabag sa Commonwealth Act No. 142 dahil sa paggamit ng fictitious name o pagtatago ng tunay na pangalan.

Ang iba pang kasama sa charge sheet ay sina Eugene G. Pioquinto, Mary Joyce Lim, Jason Colocado, Michael H. Villanueva, Denis Gonzales, Willy O. Sy, Sandra Lim, Gil O. Calipayan, at Inigo Espiritu.

Sa imbestigasyon ng NBI, ginamit umano ng grupo ni Bangayan bilang dummy ang ilang organisasyon at kooperatiba ng magsasaka para makakuha ng alokasyon sa pag-aangkat ng NFA rice.

Nagsabwatan umano sila para mamanipula ang bidding process sa pagawad ng rice import allocation mula sa NFA, dahilan para sila ang makakuha ng supply ng imported rice sa lokal na pamilihan at makontrol ang presyuhan ng bigas sa merkado.

Nakatakdang magsumite ng kanilang counter affidavits ang mga respondents ngayong araw, Oktubre 12. (Ma Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?