74

By

Rice importation dapat limitahan sa 1M tonelada kada taon – Villar

Dapat maging istrikto sa pag-isyu ng import permit sa bigas kung saan dapat limitahan sa isang milyong metriko tonelada na lang ang payagang makapasok sa bansa kada taon.

Ito ang pahayag ni Senadora Cynthia Villar sa mga reporter matapos dumalo sa 2019 National Food Security Summit kung saan tinututulan din ang posibilidad na magtaas ng taripa sa mga inaangkat na bigas.

“We have to prove that we can compete,” pahayag ni Villar sa mga mamamahayag.

Ayon sa senadora, maganda ang mga rating ng bansa sa mundo dahil nagawa ng Pilipinas na i-liberalize ang rice import at hindi umano takot ang bansa na buksan ang merkado sa imported na bigas.

“If we will impose safeguard measures, they will think that we just gave up and that we can’t do it,” sabi pa ni Villar.

Bumaha ng imported na bigas sa bansa matapos ipatupad noong Marso ang Rice Tariffication Law o Republic Act (RA) 11203.

Mula pa nang ipasa ang batas, mahigit dalawang milyong metriko tonelada ng mas murang imported na bigas ang pumasok sa bansa na nagresulta sa pagbagsak naman sa presyo ng palay.

Sinabi ni Villar, chair ng Senate committee on agriculture, na madali namang magpataw ng ‘safeguard measure’ para matugunan ang pagbaba sa presyo ng palay subalit isa aniya itong indikasyon na takot ang bansa na patunayan na kaya nating palakasin ang lokal na produksiyon ng bigas sa bansa.

Sa ilalim ng Section 10 ng RA 11203, para maprotektahan ang industriya ng palay sa bansa mula sa biglaang pagbagsak ng presyo nito, dapat magkaroon ng espesyal na ‘safeguard duty’ sa bigas alinsunod sa Safeguard Measures Act.

Sa unang linggo ng Oktubre, ang average na farm-gate price ng palay ay bumagsak sa 28.8 porsiyento o P15.56 kada kilo mula sa dating P21.86 kada kilo sa katulad ding panahon noong 2018.

Para matugunan ito, sinabi ni Villar na dapat limitahan ng pamahalaan ang pagpasok ng imported na bigas sa bansa.

Makakatulong aniya din ito para mapigil ang pamamayagpag ng kartel sa sektor ng bigas.

Ani Villar, dapat maging istrikto ang Department of Agriculture sa pag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearance sa pag-angkat ng bigas.

Para makapag-angkat ng bigas, sa ilalim ng RA 11203, nire-require ang mga lokal na negosyante na kumuha ng SPS-IC sa Bureau of Plant Industry.

Ang SPS ang nagsesertipika kung walang peste o disease ang mga inangkat na bigas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?