115

Dec 29, 2017 @ 11:24
By

Revilla, pinal nang tinanggihan sa hirit na ibasura ang kaso

Pinal nang tinanggihan ng Sandiganbayan ang apela ni dating senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na mabasura ang kanyang kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.

Sa 3-pahinang resolusyon, pinagtibay ng anti-graft court First Division ang pagbasura sa “motion for leave to file a demurrer” na inihain ni Revilla.

Iginiit ng korte na malakas ang ebidensiya ng Ombudsman at dapat itong kontrahin ng depensa sa pagprisinta ng sariling ebidensiya.

Ang demurrer ay mosyong inihahain ng akusado para wala nang rebuttal at ang pagbabasehan na lamang ng desisyon ay ang ebidensiya ng prosekusyon.

Nilinaw ng korte na maaari pa rin namang maghain ng demurrers sina Revilla, Richard Cambe at Janet Napoles pero nasa kanila kung isusugal ang pagkakataong makapagprisinta ng ebidensiya para sa kanilang depensa.

“The Court reiterates if the accused so choose, they may file a demurrer to evidence without leave of court, subject to the limitation and consequence provided in Section 23, Rule 119 of the Revised Rules on Criminal Procedure,” saad sa resolusyon. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?