25

Jun 9, 2020 @ 15:54
By

Revenue leakages ‘di natugunan: BOC aminado sa kapalpakan

Inamin ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang naging kakulangan ng kanyang tanggapan sa pagpapatupad ng mahigpit na mga hakbang para maiwasan ang ‘revenue leakages’ o nawalang kita ng pamahalaan.

Ang pag-amin ay ginawa ni Guerrero sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Ways and Means kaugnay sa patuloy pa ring nakapuslit na mga kontrabando sa bansa sa pamamagitan ng mga tiwaling operators ng customs bonded warehouses (CBW) na nakakaapekto sa local manufacturers at producers at sa ekonomiya ng bansa sa kabuuan.

“Tanggap namin ang kakulangan namin dito sa customs bonded warehouses,” ayon kay Guerrero kasabay naman ng pagsasabing, “but we are assuring the committee that we are already implementing measures to plug revenue leakages.”

Sa naturang pagdinig ay kinuwesityon ni Rep. Estrellita Suansing, senior vice chair ng komite ang nadiskubre nitong kuwestiyonableng liquidation documents ng CBWs.

Ayon sa solon sa isinagawa niyang review sa liquidation documents ay may nakita siyang mga butas.

Tinukoy pa ni Suansing na sa liquidation report ay walang registered local sales bukod sa walang summary page kaya mahalaga umanong repasuhin ang naturang dokumento.

“It is timely and relevant to review the liquidation documents of CBWs to protect revenues, prevent tax leakages, and recommend corrective measures to recovers losses,” ayon sa lady solon.

Tiniyak din ni Customs Assistant Commissioner Jet Maronilla na mayrooon nang ginagawang audit sa CBWs.

Inaasahang makukumpleto umano ito sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?