41

By

Reunion nina Barroca, Cone sa Gilas purnada

Hindi nagkaroon ng reunion sina Mark Barroca at coach Tim Cone sa Gilas Pilipinas dahil wala ang pangalan ng Magnolia at Gilas guard sa pool na pagkukuhaan ng isasabak sa Southeast Asian Games sa Disyembre 2019.

Wala rin sa pool ang teammate ni Barroca na si Paul Lee, kasama niya sa Gilas men’s squad na nangampanya sa FIBA World Cup.

Pero wala aniya siyang tampo, hindi naghihinanakit.

“Okay lang, depende naman sa coach ‘yun, eh,” ani Barroca pagkatapos ng 96-80 win ng Hotshots sa NorthPort, Biyernes ng gabi, Setyembre 27, sa Smart Araneta Coliseum tungo sa 1-1 card sa PBA Governors’ Cup.

“Siguro gusto lang ni coach (Tim) ‘yung core niya, kasi sandali lang sila mag-practice,” dagdag ni Barroca, nagsumite ng 16 points kontra Batang Pier.

Si Cone ang kumuha kay Barroca noon sa B-Meg Llamados noong 2011, unang season din ng coach sa Purefoods franchise. Magkasama sila nang kumpletuhin ng San Mig Coffee Mixers ang grand slam noong 2014.

“Gusto ko rin, eh (masama sa national team),” ani Barroca. “Pero ganun talaga… Wala kaming galit na ganun. Masaya lang basta manalo ang Pilipinas.”

Nakapaglaro na si Barroca sa World Cup, pero hindi pa raw siya nakakapag-SEA Games kaya gusto rin sana niyang makasama.

Mas espesyal pa sana kung nagkaroon sila ng reunion ng dati niyang coach.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?