95

Dec 8, 2017 @ 21:14
By

‘Retoke tax’ naging 5% dahil sa lobbying

Nagpasya na ang mga mambabatas na patawan ng 5 porsiyentong excise tax ang cosmetic surgeries o ang pagpaparetoke tulad ng pagpapatangos ng ilong at pagpapalaki ng dibdib.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, napagkasunduan ito sa bicameral conference committee na tumatalakay sa panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o tax reform bill.

Ipinaglaban umano ni Drilon na gawing 10% ang buwis sa pagpaparetoke dahil may kakayanan naman sa buhay ang nagpapagawa nito pero matindi ang lobbying kaya bumaba ito sa 5% lamang.

Pumayag na raw siya dahil maigi nang may buwis kahit maliit kaysa wala.

“I fought for 10% tax as a matter of principle, but legislation is the art of the possible. Lobbying is a reality I have to accept. I have to compromise, rather than having no tax at all,” ayon kay Drilon.

Aniya, simboliko lang ang buwis na ito dahil hindi naman kalakihan ang makokolektang buwis mula sa mga nagpaparetoke.

Nais niyang ipakita na patas ang pagpapataw ng buwis sa mahihirap at mayayaman.

“Kung ang mahihirap pinapatawan ng mabigat na buwis gaya ng itataas na buwis sa petrolyo at inuming may asukal, bakit naman hindi buwisan ang mga luho na kaya namang bayaran ng may salapi?” ayon pa kay Drilon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?