109
Retiradong opisyal ng HPG, kritikal sa ambush
Aug 26, 2019 @ 18:08
By

Retiradong opisyal ng HPG, kritikal sa ambush

Malubha ang kondisyon ng isang retiradong opisyal ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa Surigao City, Surigao del Norte nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Alfredo Aristan, 63-anyos, dati ring nagsilbi bilang Land Transportation Office officer ng Surigao del Norte.

Sa ulat ng tanggapan ni CARAGA Police Director Police Brig. Gen. Gilbert Cruz Jr., nangyari ang insidente alas-5:40 ng umaga sa kahabaan ng Purok Camia, Nueva Extension, Brgy. Taft, Surigao City.

Base sa imbestigasyon, lulan ng kulay pulang sunriser SR 100 motorcycle ang biktima galing sa kanilang tahanan sa Purok Goding ng nasabing barangay nang bigla na lamang sundan ito ng riding in tandem.

Ayon sa mga testigo, nang makakuha ng tiyempo ay pinagbabaril ng mga suspek nang malapitan ang biktima na duguang tumilapon sa motorsiklo matapos itong mawalan ng balanse.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng baril sa mukha at iba pang bahagi ng katawan na mabilis na isinugod sa pagamutan kung saan patuloy na isinasalba ang buhay nito.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga salarin habang iniimbestigahan pa ang motibo sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?