52

By

Ret. US Army natagpuang naaagnas sa apartment

Sharing is caring!

Hinihinalang ilang araw nang patay ang isang retiradong US Army makaraang matagpuang naaagnas na ang katawan nito sa loob ng inuupahang apartment sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Sa report kay P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang naaagnas na bangkay ni Wilson Cortez Palanca, umano’y retired US Army ay natagpuan sa nirerentahang apartment nito sa Unit-6, 3rd floor, sa No. 193 Iba St., La Loma, Brgy. Paang Bundok ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ni Alejandro Cruz, may ari ng apartment, kay PO2 Jefferson Sadang, dakong alas-6:00 ng gabi (November 27, 2017), ay may nakakasulasok na amoy na tila bulok na daga na nanggagaling sa loob nang inuupahang apartment ni Palanca. Kinatok niya ang pintuan ng partment nito pero walang nagbukas.

Kinabahan umano si Cruz kaya humingi na siya ng tulong sa mga opisyal ng barangay sa kanilang lugar at agad namang tumalima sina Reynaldo Tan Sr., at Rogelio Culapo, kasama si PO1 Sadang at pinuntahan ang apartment ng retired US Army.

Kinatok din nina Tan, Culapo at Sadang ang pinto ng apartment ni Palanca subalit nang walang nagbubukas ay puwersahan na nilang winasak ang bintana nito at saka pumasok ang isa sa opisyal ng barangay, na siyang nagbukas ng pintuan ng bahay.

Doon ay bumulaga sa kanila ang naaagnas na bangkay ni Palanca. Inaalam pa ng Scene of The Crime Operatives (SOCO) ng QCPD kung ano ang sanhi nang ikinamatay ng nabanggit na retired US Army. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?