55

By

Ret. general na aktibo noon sa drug war, kanselado rin ang US visa – Bato

Bukod kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, may isa pang dating mataas na opisyal na aktibo noon sa war on drugs ang nakansela rin ang US visa.

Hindi pinangalanan ng senador ang nasabing police official subalit isa umano itong regional director noon.

“May tsismis ako, isang retired general na-hold sa airport, hindi na natuloy. Hinarang dahil cancelled ‘yung visa niya. Pulis ‘yun, hindi na ako magsabi dapat siya ang tanungin n’yo. Balita lang sa akin. Regional director siya noon, pag-upong pag-upo ko RD na siya,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam ng mga reporter.

Ayon pa sa dating Philippine National Police chief, lahat ng regional director at ilan pang mataas na opisyal ng kapulisan ay kanselado na rin umano ang US visa.

“Meron akong balita na lahat yata ng nakapwesto during my time ay na-cancel, regional directors at key officers na nakapwesto during drug war,” sambit pa nito.

Hindi pa umano niya naberepika ang impormasyon na ibinahagi lamang sa kanya ng isang police general na nakansela din ang US visa.

“Ang nagtsismis sa akin isang general na in-advise-an na na-cancel din ang visa niya, cancelled na talaga ang visa niya, active din siya sa war on drugs,” ayon pa sa dating PNP chief.

Sabi pa nito, bago pa niya nakumpirma na nakansela na ang kanyang 10-year multiple entry US visa, nakatanggap na siya na impormasyon tungkol doon.

Nakuha lang niya ang sagot ng US Embassy, isang araw bago ang kanyang birthday noong Enero 20.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?