191
magdalo-gary-alejano
By

Responsibilidad ng kasalukuyan ang West PH Sea

Sharing is caring!

Sinisisi na naman ni Pangulong Duterte sa nakaraang administrasyon ang sitwasyon ngayon sa West Philippine Sea. Anang Pangulo, wala daw itong ginawa para protektahan ang posisyon at karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong inokupahan at inangkin na ng tuluyan ng China.

Siguro ay dapat nating ipaalala kay Duterte na lumabas ang desisyon ng United Nations Permanent Court of Arbitration na nagpapatibay sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea noong July 12, 2016. Ito ay halos dalawang linggo pagkatapos maupo ni Duterte bilang Pangulo.

Pagkalabas ng desisyon sa kaso laban sa China, agad itong isinantabi ni Duterte kahit pa ito ay paborable sa atin at maituturing na malaking panalo ng isang maliit na bansa laban sa isang higante. Ang mas nagpalala pa ng sitwasyon ay ang nakabibinging katahimikan ng administrasyong Duterte kapag may mga paglabag sa international law ang China. Kung magsalita man patungkol sa China ay puro puri naman sa kabila ng paulit-ulit na hindi pagrespeto nito sa ating soberanya.

Hindi paninisi sa nakalipas na administrasyon ang inaasahan kong sagot sa pagpoprotesta ng mga Pilipino sa lalong lumalakas na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea. Nitong huli ay naglagay na ang China ng anti-ship cruise missile at surface to-air missile system sa ating teritoryo na kanilang inangkin. Ang mga missiles na ito ay kayang umabot hanggang Palawan.

Nasa pintuan na natin ang panganib pero imbes na umaksyon ang ating Pangulo para idipensa ang ating bansa ay sinisisi pa sa iba na sa palagay ko ay paghuhugas-kamay sa lumalalang banta sa ating national security.

Ginawa ng nakaraang administrasyon ang mandato nito nang maghain ng kaso laban sa China sa arbitration court, alinsunod sa ating polisiya na mapayapang pamamaraan at pagrespeto sa rule of law. Ang lahat ng mga kaganapan ngayon sa West Philippine Sea ay responsibilidad na ng administrasyong Duterte.

Bilang pangulo ng bansa, siya dapat ang sumita sa China at iba pang mga bansang hindi rumerespeto sa ating soberanya. Talagang madidismaya ang ating mga kababayan dahil imbes na magprotesta, ang gobyerno pa natin ang nageesplika para sa China. Dahil sa inaasal ng mga lider natin ngayon, lalong walang pakundangan ang militarisasyon ng China sa ating teritoryo. Kung mayroong dapat sisihin dito, ito ay ang administrasyong Duterte.

Napakalaki ang banta na nakaumang sa atin at sa freedom of navigation sa West Philippine Sea. Maganda man o hindi ang ating relasyon sa China, tuloy-tuloy pa rin ang mga plano nito sa West Philippine Sea bilang bahagi ng kanilang kabuuang estratehiya na makontrol ang sea lanes sa ating rehiyon.

Maling pag-iisip na hindi umano nakatutok sa atin ang mga kagamitang pandigma ng China. Maling pag-iisip na susunod ang China sa mga pahayag nito gayong paulit-ulit din namang iba ang ginagawa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?