53

Nov 7, 2017 @ 16:43
By

Responsable sa palpak na operasyon ng MRT, pananagutin

Tiniyak ng Malacañang na hindi palulusutin sa kaso ang mga dating opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na responsable sa palpak na operasyon ng Metro Rail Transit (MRT).

Sa harap na rin ito ng matinding perwisyong inabot ng mga commuters araw-araw dahil sa depektibong mga bagon ng tren.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi manhid ang Malacañang sa nangyayaring kapalpakan ng mga MRT train at maging ng Light Rail Transit (LRT) kaya’t pananagutin ang mga dating opisyal na hindi ginawa ang kanilang tungkulin.

Katunayan, ayon kay Roque, ay kinansela na ng DOTr ang kontrata sa kumpanyang dapat mangasiwa sa maintenance ng mga tren dahil hindi ginawa ang kanilang responsibilidad.

“We just rescinded our contract with Busan alleging non-performance of contract because of the many breakdowns of the MRT ‘no. This indicates that ang Palasyo po ay hindi po manhid doon sa mga pangangailangan ng ating mga publiko na nag-e-MRT at nag-e-LRT araw-araw. Patunay po ‘yan na hindi na papayag ang Presidente na patuloy ang palpak na serbisyo na binibigay ng mga kontratista ng ating MRT at LRT.

“Hindi lang po kinansela ang kontrata, pero ang naintindihan ko po ang DOTC ay magsasampa rin ng kaso laban doon sa mga tao na naging dahilan kung bakit nagkaroon ng perwisyo ang ating mga mamamayan,” ang pahayag ni Roque.

Batay sa pahayag ng mga araw-araw na sumasakay sa MRT at LRT trains, suwerte na kung hindi magkaaberya ang mga bagon sa loob ng isang araw.

Kalimitang karanasan ng mga pasahero ay nagkakaaberya ang mga train ng hanggang apat na beses sa isang araw na kung minsan ay naitataon pa sa rush hour.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?