9

By

Resolusyon para sa ‘The Big One’ action-plans, kinatigan ng Kamara

Sharing is caring!

Bilang paghahanda para sa ‘The Big One’, o ang malakas na paglindol na posibleng umabot sa magnitude 7 sa Metro Manila, tinulad ng Kamara ang resolusyon na humihimok sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at mga ahensya nito na magsumite ng kanilang action-plans.

Binibigyang diin sa House Resolution No. 1938 na pangunahing iniakda ni Metro Manila development committee chairman Winston Castelo ang pangangailangan na maging handa ang Kamaynilaan kapag tumama ang malakas na lindol. Kabilang dito ang kahandaan ng mga residente sa skills at impormasyon.

Nakasaad sa resolusyon ang pag-aaral na isinagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2004 na nagsasabing hinog na ang West Valley Fault para sa malakas na paggalaw hanggang 7.2 magnitude.

Sa naturang pag-aaral, ipinakita rin ang posibleng impact ng ‘Big One’ kung saan tinaya sa 33 libo ang posibleng mamatay habang 40 porsiyento ng residential buildings at 35 porsiyentong public buildings ang pinangangambahang mawasak.

Pero lumabas sa mga pagdinig ng mababang kapulungan na maraming pamilya sa Metro Manila ang wala pang sapat na kaalaman at kahandaan sa malakas na lindol gayundin sa dala nitong peligro sa buhay at ari-arian.

Dahil dito’y inoobliga ang kaukulang mga ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholders na bumuo at magsumite sa Kongreso ng detalyadong mga plano at programa para matiyak ang kahandaan ng mga komunidad at residente sa Metro Manila.

Partikular na inaatasan ang MMDA na magsagawa ng malawakang public information campaign.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?