29

By

Resolusyon kay Sereno, hindi pang-impluwensiya sa SC – Pimentel

Niliwanag ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi pangsuporta sa anumang apela ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang panukalang resolusyon sa Senado na umangal sa pagpapatalsik dito ng Korte Suprema.

Tinutukoy ang panukalang Resolution 738 kung saan ipinarerepaso sa Korte Suprema ang pagsipa nito kay Sereno batay sa quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.

Idiniin sa resolusyon na nakatadhana sa Konstitusyon na sa impeachment process lang ng Senado at Kamara maaaring patalsikin si Sereno at lahat ng tulad nitong impeachable official.

Ayon kay Pimentel, na isa sa 14 na senador na lumagda sa resolusyon, hindi nila intensiyon na itulong ito kay Sereno at hindi rin nila pakay na impluwensiyahan ang Korte Suprema.

Ito ay pahayag lang na hindi sang-ayon ang Senado sa ginawa ng Korte Suprema.

Pantulong aniya ito sa taumbayan para makabuo ng sarili nilang opinyon.

Ipapasok ito sa records ng Senado, bubuksan sa pag-aaral ng publiko at para rin sa pag-aaral sa hinaharap.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?