By

Resignation ni Aiza, di pa kumpirmado kung tinanggap na ni Duterte

Sharing is caring!

Nakarating na sa tanggapan ng Office of the President ang resignation letter ni National Youth Commission (NYC) Chairperson Aiza Seguerra.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na wala siyang impormasyon kung ano ang dahilan ng pagbibitiw ni Seguerra kaya’t hintayin na lamang ang magiging aksiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte rito.

“Wala pa po akong alam tungkol diyan. What I do know is, the Office of the Executive Secretary has received the resignation of Chairperson Aiza Seguerra. Hindi ko pa po nakakausap si Chairperson Seguerra. Ang kumpirmasyon na maibibigay ko lang ay nakarating na sa opisina ng ating Presidente ang kanyang resignation,” ani Roque.

Sa isang panayam, sinabi ni Seguerra na personal ang dahilan ng kanyang pagbibitiw bilang NYC chief.

Marso 5, 2018 nagsumite ng resignation si Seguerra na magiging epektibo sa Abril 5.

Itinalaga sa puwesto si Seguerra noong Agosto 2016 na mayroong tatlong taong termino.

Matatandaang isa ang singer-actress sa mga showbiz personalities na supporter ni Pangulong Duterte at tumulong noong panahon ng kampanya nito.

Isa rin si Seguerra sa mga tutol na maipagpaliban ang Sangguniang Kabataan (SK) elections dahil ayaw nitong magbigay ng maling signal sa mga kabataan.

“Ayaw namin na mawalan ng gana ang mga kabataan sa paglahok sa SK elections. The youth deserves to choose leaders from among themselves,” ani Seguerra.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?