12
ABANTE alan peter cayetano passport dfa

‘Resign call’ kay Cayetano, fake news – DFA

Sharing is caring!

Deretsahang tinawag na malisyoso ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nalathalang artikulo sa isang online news site ukol sa panawagan kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at iba pang matataas na opisyal ng DFA.

Sa inilabas na pahayag ng DFA, iniulat sa Philstar.com na may sulat ang career officials sa Malakanyang at hinihingi ang pagsibak kay Cayetano bunga ng panibagong lamat sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait.

Sa isyu ay nalantad ang sinasabing pagiging bagito ni Cayetano.

Ngunit base pa rin sa pahayag ng kagawaran itinanggi na ng Office of the President na may natanggap silang naturang ulat.

Binanggit pa ng kagawaran na nakakalungkot na inilathala ng Philstar.com ang isang impormasyon na wala namang basehan at hindi pa kinuha ang kanilang panig.

Iginiit pa ng DFA na ang sinasabing Union of Foreign Service Officers na itinuturong pinagmulan ng sulat ay matagal nang inactive.

Bukod pa rito ang anumang sulat mula sa unyon ay dapat ipinaaalam sa mga miyembro at pirmado ng kanilang pamunuan.

At ang nilalalaman ng sinasabing sulat ay hindi sinusuportahan ng lahat ng bumubuo sa Foreign Service Corps.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?