223

Dec 29, 2017 @ 15:21
By

Residente na nasalanta ng mga bagyong Vinta, Urduja pinaaalerto sa LPA

Inilagay sa state of calamity ang siyam na lugar matapos ang pananalasa ng bagyong Vinta.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mina Marasigan, nadagdag na nasa ilalim ng state of calamity ang Cabasalan, Zamboanga Sibugay, munisipalidad ng Balabac, Aborlan at Bataraza sa Palawan.

Dagdag din dito ang Tambulig, Zamboanga del Sur; Bacolod, Lanao del Norte; buong probinsiya ng Lanao del Norte; Labason, Zamboanga del Norte; at Salug, Zamboanga del Norte.

Hanggang sa ngayon ay hirap pa rin ang ilang lugar sa Palawan, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, Misamis Oriental, Davao del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Sur at Lanao del Sur sa suplay ng kuryente at sa signal sa cellphone.

Paliwanag ni Marasigan, natatagalan ang pagbabalik sa suplay ng kuryente at signal ng cellphone dahil literal na binibitbit ang mga poste at iba pang gamit.

Samantala, bagama’t hindi pa naman pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Urduja at Vinta na muling lumikas dahil sa posibleng salantain na naman ang kanilang mga lugar ng namumuong sama ng panahon, pinaaalerto naman ng NDRRMC ang mamamayan sa mga pag-ulan na mararanasan.

Dagdag pa ni Marasigan, bukas ng gabi, Disyembre 30 o umaga ng Disyembre 31 ay mararamdaman na ang mga pag-ulan sa Northern Mindanao at CARAGA region.

Kapag nakapasok sa bansa ang LPA bago matapos ang taon ay tatawagin itong bagyong Wilma pero pag ito ay umabot sa Enero 1, ito na ang magiging unang bagyo sa 2018 na tatawagin namang bagyong Agaton. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?