237

Nov 28, 2017 @ 16:08
By

Researcher nagbigti sa hotel

Isang umano’y researcher ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng comfort room ng isang hotel sa Barangay Central Diliman, Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Jose Lamanilao Alcante, 49-anyos, may-asawa at residente ng Block 16, Lot 16, Darbci HMS, General Santos City.

Siya ay natagpuang nakabigti gamit ang sintas ng sapatos at nakatali sa sabitan ng kurtina sa loob ng banyo ng Room 304 Verjandel Hotel na matatagpuan sa No. 70 Kalayaan Ave., Brgy. Central Diliman ng nasabing lungsod nitong Lunes bandang alas-7:30 ng gabi.

Batay sa pahayag ni Ritz Lee Santos III, roommate ng biktima, dakong alas-9:30 ng umaga ay nag- checked in sila ni Alcante sa nasabing hotel upang dumalo sa dalawang araw na seminar mula Nobyembre 27-28 ng Alternative Law Group sa nasabing hotel.

Iniwan umano niya ang biktima sa nasabing hotel at nagtungo muna sa Amnesty International Philippines upang ayusin ang kanyang tseke sa bangko.

Bandang ala-1:30 ng tanghali ay bumalik sa siya sa hotel subalit nagtuloy umano siya sa function room kung saan ginaganap ang seminar. Doon ay napansin niyang wala sa seminar ang biktima pero ipinagkibit-balikat na lamang niya ito sa pag-aakalang nagpahinga na lamang dahil sa pagod sa biyahe.

Sa kanyang pagbalik sa kuwartong inookupahan nila ay hinanap niya ang biktima at laking gulat niya nang sa kanyang pagbukas ng banyo ay bumungad sa kanya na nakabigti ito at patay na.

Agad siyang humingi ng saklolo sa mga guwardiya ng hotel na siya namang nag-report sa pulisya. (Dolly B. Cabreza/with trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?