14

Apr 7, 2021 @ 16:21
By

Request bawal i-deny, FOI bill isinulong sa Kamara

Isinulong sa Kamara de Representantes ang panukalang Freedom of Information (FOI) law na mayroong probisyon na nagbabawal sa ahensya ng gobyerno na mag-deny ng request sa hinihinging impormasyon.

At ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang nagtulak ng probisyong ito sa pagdinig ng House Committee on Public Information nitong Miyerkules.

Bagamat nakalagay sa Konstitusyon, walang batas para maipatupad ang FOI pero naglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order 2 noong 2016 kaugnay nito.

Ayon kay PCOO Undersecretary Kristian Ablan of the Presidential Communications Operations Office suportado ng ahensya ang panukala at nais nila na magkaroon ito ng ‘No Wrong Door’ policy upang mawalan ng dahilan ang mga ahensya na mag-deny ng request.

Paliwanag ni Ablan, maraming FOI request ang nababasura dahil wala sa ahensya ang impormasyon na hinihingi.

“And so we need to insert a provision called the no wrong door policy wherein the burden is shifted back to the government agency to determine which agency has the information,” ani Ablan.

Inihalimbawa niya ang isang request para sa mga dokumento na may kaugnayan sa mga migrant workers na nakapag-asawa ng foreigner. Kalimitan umanong hinihingi ang mga impormasyong ito sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Dahil wala naman sa tatlong nabanggit na ahensya ang impormasyon ay mababasura ang request.

Ang impormasyong hinihingi ay makukuha umano sa Commission on Filipino Overseas.

Kung mayroon umanong ‘No Wrong Door’ policy, ang ahensya kung saan bumagsak ang request ang maghahanap kung sinong ahensya ang makasasagot sa hinihinging impormasyon.

“Under EO 2 the request will be denied. But under the No Wrong Door policy the agency now has the obligation to find the agency which has the information being requested,” dagdag pa ni Ablan.

Nais din ng PCOO na magtayo ng FOI Commission na siyang titiyak na sumusunod ang mga ahensya sa panukala at Record Management para maiayos ang mga impormasyon na maaaring isapubliko.

Sa kasalukuyan ay mahigit sa 87,000 ang bilang ng natanggap na FOI request ng gobyerno.

Samantala, sinabi naman ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva, isa sa mga may-akda ng panukala na mahalagang maipasa ang FOI law lalo ngayon na mayroong mga tiwaling tauhan ng gobyerno na sinasamantala ang pandemya.

“The COVID-19 pandemic has created more opportunities for corruption to flourish. If we will not have this FOI bill urgently passed into law, we will just continue to expose our government resources to be devoured by scrupulous and rent-seeking individuals – at the detriment of our Filipino people. We need to raise our demands of transparency and accountability now more than any time before,” ani Villanueva.

Ang malayang pagdaloy ng impormasyon ay magiging daan din umano sa mabilis na pagbangon ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Isinusulong ni Villanueva ang awtomatikong pagsisiwalat sa publiko ng mga dokumento gaya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SAN), bids at bidding ng mga proyekto ng gobyerno, pagpasok ng mga ahensya ng gobyerno sa anumang kontrata at pag-utang ng gobyerno sa loob at labas ng bansa.

Isang technical working group naman ang binuo ng chairperson ng komite na si Cagayan Rep. Joseph Lara upang pag-isahin ang 19 na panukala kaugnay ng FOI bill.

Si Kabayan Rep. Ron Salo, vice chairperson ng komite ang itinalagang manguna sa TWG.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?