By

Report sa pag-salvage ng MPD sa drug suspects, paninira sa PNP – Bato

Sharing is caring!

Ipinagtanggol ni Philippine National Police Chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang mga tauhang nagsagawa ng anti-illegal drugs operation sa Tondo, Maynila na ikinasawi ng apat na umanoy mga drug suspects at napaulat pa sa international news.

Nanindigan si PNP Chief na sumunod sa police operational procedure ang mga pulis ng Manila Police district.

Lumalabas kasi sa report ng Reuters na inilipat ng mga pulis ang direksyon ng CCTV camera, hinawi o nagclear muna ang mga ito ng mga tao sa lugar bago isinagawa ang operasyon.

Sinasabi rin sa report na hindi nanlaban ang mga drug suspek salungat sa spot report ng PNP na nagkaroon muna ng engkuwentro bago napatay ang apat na suspek.

Depensa ni PNP Chief, inilipat ng mga pulis ang direksyon ng CCTV camera pagkatapos na ng operasyon, nag-clear aniya ng mga pulis sa lugar upang walang madamay na inosente at hindi rin daw nakita sa cctv ang panlalaban ng mga drug suspects kaya hindi pwede sabihing pinatay ng walang kalaban laban ang mga suspek.

“Depende sa recommendation ng magco-conduct ng investigation. I leave it to IAS pero kayo upon learning about it? Wala pa man ako nakikitang masama doon” sinabi ni Gen Bato.

Naniniwala si Dela Rosa na paninira lamang sa kanilang hanay ang balitang lalo na at itinaon na muling ibabalik sa PNP ang pangunguna sa war on drugs ng pamahalaan

Aniya, ipinauubaya niya na sa PNP Internal Affairs Service ang pagiimbestiga sa kaso. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?