44

Oct 22, 2017 @ 12:12

Report ng Safest Cities Index 2017, pinalagan ng MPD

Kinontra ang Manila Police District sa report  ng isang research group  na nagsasaad ng mababang grado ng lungsod sa mga pinakamapayapa at ligtas na lugar sa buong mundo.

Ayon kay MPD Director Chief Supt. Joel Coronel, hindi tumpak ang survey ng 2017 Safest Cities Index lalo na at hindi Maynila lang ang tinutukoy kundi ang Metro Manila.

“The study was measured based on identified megacities in different parts of the world so it would appear that it is not only confined to the local government of Manila alone…  So this will include other cities in Metro Manila as well,” paliwanag ni Coronel.

Sa inilabas na Safest Cities Index 2017 ng Economist Intelligence Unit, ang research arm ng London-based multimedia company na The Economist Group,  sa 60 siyudad sa buong daigdig na pinag-aralan, pumuwesto lamang sa  ika-55 ang Maynila.

Kasama ng Maynila sa bottom 10 ang Cairo, Tehran, Quiro, Caracas, Ho Chi Minh City, Jakarta, Dhaka, Yangon at Karachi.

Samantala, ang Tokyo pa rin ang pinangalanang pinakaligtas na lungsod sa ikalawang pagkakataon.

Inamin naman ni Coronel na ang Pilipinas ay mababa sa digital security at infrastructure security, ang dalawa sa apat na sukatan na ginamit sa pag-aaral. Ang dalawa ay ang health security at personal security.

“For the Philippines, that’s why nakakuha tayo ng mababang score is mababa tayo sa digital security,” ani Coronel. “Mahina ang ating security measures against cyber threats and online attacks.”

“The rating was made on the basis of not only of the city of Manila alone but also of other cities composing the megacities of Metro Manila,” paliwanag pa ng hepe ng MPD.

Ang megacity ay isang metropolitan area na may populasyon na mahigit 10 milyon.

Ang Metro Manila, na binubuo ng 16 lungsod at isang munisipalidad, ay ikalimang pinakamalaking megacity sa mundo sa dami ng populasyon, na nitong 2016 ay umabot na sa 24.12 milyon. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?