86
ABANTE deployment kuwait DOLE Secretary Silvestre Bello III
By

Report ng DOLE sa itinaling OFW sa puno, hinihintay na ni Duterte

Hinihintay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang report ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III kaugnay sa overseas Filipino worker (OFW) na itinali ng amo sa isang puno sa Saudi Arabia.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dapat ay nag-report na si Bello kay Pangulong Duterte para maaksiyonan agad ang ginawa sa OFW.

Hindi aniya nito alam ang nangyari sa OFW kaya dapat ay mayroon nang impormasyon sa Malacañang para makagawa ng aksiyon ang Presidente.

“We will ask Secretary Bello on that. I suppose he will be giving the President a report and then the President will act on it immediately. Secretary Bello, if you’re listening, we want your response immediately,” ani Panelo.

Nakabalik na sa Pilipinas ang minaltratong OFW na si Lovely Acosta Baruelo na pinarusahan ng amo dahil sa naiwanang nakabilad ang isang mamahaling muwebles sa araw at namuti umano, kaya bilang parusa ay ibinilad din siya ng amo habang nakatali sa isang puno.

Ayon kay Baruelo, marami siyang kasamang Pilipino na nagtatrabaho rin sa malupit na amo at nakakaranas din umano ng pagmamaltrato kaya hiniling nito na tulungan din sila ng gobyerno.

Ayaw ni Pangulong Duterte na nakakaranas ng pagmamaltrato ang mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa kaya’t posibleng may mga gagawing hakbang para sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Saudi Arabia, katulad ng ginawa noon sa Kuwait matapos isilid sa freezer ang katawan ng isang OFW.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?