15

By

Report na ‘human rights calamity’ ang 2-taon ni Duterte, inalmahan ng Palasyo

Sharing is caring!

Pinalagan ng Malacañang ang pahayag ng isang New York-based human rights group na ang dalawang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto ay maituturing na “human rights calamity”.

Sa harap na rin ito ng hayagang batikos at mga banat ni Pangulong Duterte sa human rights groups at maging ng Human Rights International Commission dahil sa pakikialam sa panloob na usapin ng Pilipinas.

Tinawag ni Presidential Spokesman Harry Roque na kalokohan ang pahayag ng human rights group dahil lahat ng karapatan ay malayang natatamasa ng mga Filipino.

Tinukoy dito ni Roque ang libreng tuition fee na karapatan sa edukasyon, libreng pagkain ng mga bata, libreng patubig at iba pa.

Sinabi ni Roque na itinataguyod ng Pangulo ang lahat ng uri ng karapatan para sa mga Filipino kaya’t walang batayan ang pahayag ng mga dayuhang grupo na magsalita dahil wala naman sila sa Pilipinas.

“Kalokohan po iyan. Iyong libreng tuition po, iyan po ay karapatan ng pantao, karapatan ng edukasyon; iyong libreng pakain, iyon po ay karapatan ng kabataan, iyong right of the child; iyong libreng patubig, karapatan ng hanapbuhay, karapatang mabuhay. Lahat po iyan, pantay-pantay, lahat po iyan itinataguyod ni Presidente. Iyong ating kampanya laban sa droga, iyan po ay para itaguyod ang kalusugan at karapatang mabuhay ng ating taumbayan,” ani Roque.

Sinabi pa ng kalihim na hindi nila inaasam na maganda at papuri ang ibibigay ng human groups sa Duterte administration dahil puro negatibo ang hinahanap ng mga ito sa pamahalaan. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?